Ethnography - Miao De Chan Temple

September 10, 2017 | Autor: S. Gorospe, C.Ht.... | Categoria: Buddhism, Philosophy, Research Methodology, Ethnography, Ethnography (Research Methodology), Qualitative Research
Share Embed


Descrição do Produto

Cultural Philosophical Exposure Report | Savipra Gorospe

Ang Ethnography na ito ay base sa aking karanasan sa buong araw ng aming Cultural Philosophical Exposure trip, simula sa pagkamulat ng aking mga mata hanggang sa aking paghimlay sa aking kama. Bago pa man dumating ang hinihintay kong araw ng aming pagbisita sa templo ng Miao De Chan, tila lubos na akong nagagalak dahil ito ay isang espiritwal na bagay na aking inaasahan. Naisip ko na kakaiba ito sa aking mga napuntahan na mga lugar dahil narin ay nagkaroon ako ng iba’t ibang karanasan sa bawat istraktura at arkitekto na nakita sa bawat relihiyon at sa pagdalaw ko sa mga ito ay tila hindi ko man ginusto, ako lamang ay naimbita at hindi ito nagmula sa aking sariling kalooban. Subalit ang nalalapit na pagbisita namin sa templo ay tila may kaakibat na saya, nerbyos, at hiwaga. Sa klase pa lamang, ang diskusyon kung ano ang mga dapat naming gagawin sa templo ay sadyang binigyan ko ng lubos na pansin. Hindi ko kasi alam kung ano ang dapat sunurin, mga pwede gawin at hindi, mga batas na hindi bawat suwayin. Pumasok na itong lahat sa isip ko habang kami’y nagdidiskusyon pa lang. Kadalasan, ang mga naiisip kong templo ay tila yung mga nasa kabundukan, na pinalilibutan ng mga ulap, at ang kakaibang hiwaga na iyong mararamdaman kung ikaw man ay mapunta sa isang lugar tulad nito. Akala ko nga ay napakataas ng templo, na maglalakad kami ng sobrang daming palapag upang marating lang naming ang templo na ito; gumana ang aking imahinasyon sa aking mga gagawin at gagawin ng aking mga kasamahan, na baka magmukha kaming isang manlalakbay na sobrang layo ang tatahakin naming upang makapunta lamang sa isang templo na aming napagusapan sa aming klase. May mga bagay na bumabagabag sa akin bago kami pumunta ng templo, dahil nabanggit ng aming propesor na may mga kakilala siya na gustong makapunta sa templong ito, subalit sadyang pinipigilan sila ng isang hindi kilalang puwersa na pumipigil upang makarating sila dito. Gamit na nga ang kotse bilang isang transportasyon, subalit may mga kalamidad na sumasalubong na pinipigilan sila. Nasabi nga na baka hindi pa sila hinahayaan ng kanilang tadhana na makarating dahil siguro na rin sa nakaraang buhay nila, ay hindi sangaayon sa tamang gawain, na mabiyayaan sila na makabisita sa templo. Isa ito sa mga naisip at bumagabag sa akin, dahil baka kami rin ay hindi mabiyayaan ng isang mabuting landas dahil sa aming nagawang kamalian sa aming nakaraang buhay. Dahil dito, mas naging determinado ako na marating ito,

umulan man o umaraw. Naisip ko na kung hindi kakatok ang biyaya, ako mismo ang kakatok sa biyaya. Ang Ethnography na ito ay ibabase ko sa mga nangyari simula sa aming pagpaplano ng aking mga kaibigan dahil naiisip ko na ang landas na aming tatakahin ay tila hindi mismo ang lugar, kundi ang buong pagkatao namin. Naiisip ko na ang mga kaisipan naming ay nakatuon na sa Cultural Philosphical Exposure trip na ito, at tila agos ito ng tadhana na aalunin kami, kung may hahadlang ba na mga bato sa alon ng ilog o kung maayos lang naman ba ang daloy. Ang kaisipan na ito ay ang nagtulak sa akin na tanggapin ang paglalakbay na ito bilang isang lakbay na may naghihintay na hadlang o biyaya. Hindi ito basta na bibisita lang o field trip, subalit ito’y base sa kagustuhan naming na makita ang templo mismo. Kaya isasali ko ang kabuuang natanaw ng aking mga mata, amoy na nakuha ng aking mga ilong, pakiramdam na nasagap ng aking mga balat, at mga tunog na ang paulit-ulit na naalala at narinig ng aking mga tenga. Naisip ko na ang papunta palang dun, kami ay may landas na, na tinatahak na umaayon sa kagustuhan ng aming mga karma. Kaya ang mga paraan upang marating ang templo na iyon ay hindi basta wala lamang, subalit may pangkahulugan na humihila sa aking intriga na malaman ang mga ito. Kung ang iba ba ay nakasakay ng maayos papunta doon sa templo na walang halong hadlang, kung ang iba ay may sasakyan upang makarating sa kanilang destinasyon, kung ang iba’y nawalan ng gasolina sa kanilang biyahe, at kung ang iba ay tinahak ang paglalakbay gamit ang pampublikong transportasyon. Naisip ko rin na kailangan isali ang panahon, kung ito ba ay maulap, ito ba ay maaraw, ito ba ay magiging isang hadlang sa aming pagpunta o papadaliin nito. Ulan ang isa sa mga pangunahing hadlang na aking naisip, dahil sino ba naman gusto ang mabasa habang papunta sa kanilang destinasyon, edi nagkasakit sila nito; kaya tumatak sa isip ko na baka ito’y umuugnay sa karma ng nakalipas na tila nakadikit sa aming pagkatao sa pagtahak ng aming mga buhay-buhay. Kaya lahat ng ito ay aking binibigyan pansin, dahil baka hindi lang ako ang nagiisip nito kundi pati na rin ang iba, mas mabuti ng maging big picture oriented dahil sa pamamagitan nito ay magagawa kong makuha ang mga detalye na nakasaad sa konteksto. Tinatak ko na sa isip ko na ang tema ng aming pagpunta ay nakasaad sa karma naming, kaya kung anu man ang mga simpleng pangyayari ay hindi dapat baliwalain, kundi dapat bigyan pansin dahil ito’y nangangahulugan ng isang bagay na magbibigay pansin sa aming landas na tatahakin.

Sabado ng gabi ay pinaguusapan na namin ang paraan kung paano kami makakarating sa templo, dahil hindi pa kami nakakapunta doon. Ito pa lamang ang magiging kauna-unahan lakbay gamit ang pampublikong transportasyon. Kadalasan kasi, pag-pumupunta kami ng malayong lugar, kasama namin ang magulang namin at gamit namin ang kotse namin, subalit ngayon ay kami lang mismo ang tatahak sa malayong lugar. Sadyang malayo nga ang Tagaytay mula kung saan kami nakatira kaya may takot rin kami na maligaw sa gitna ng pagpunta namin sa templo. Ang isa pa ay maaga dapat ang punta namin doon, kaya hinahabol rin namin ang oras ng papunta doon sa templo. Nagplano na kami ng kaibigan at kaklase kong si Angelo, nag-chat kami sa Facebook at pinaplano namin ang pinakamainam na paraan upang makarating sa templo ng Miao De Chan. Gumamit ako ng Google Maps at iba’t iba pang paraan para malaman ang mga daan. Nakahanap ako sa commute.ph na website at pinakita ko ito kay Angelo. Sumangayon siya sa aking naisipan daan. May problema nga lang kami, dahil ang kaklase namin si Hannie ay nais na sumabay samin papunta doon sa templo ng Miao De Chan. Subalit wala kaming koneksyon upang maipaalam ang aming napagisipang plano dahil hindi siya online sa Facebook at hindi namin ma-contact ang kanyang cellphone dahil nabalitaan namin na ito daw ay nasira. Nang matapos kaming magtanong-tanong kung paano namin makakausap si Hannie, tila naubusan na kami ng pagasa na ma-contact siya. Nag-uusap kami ni Angelo at nasabi nya, “Baka hindi itinadhana si Hannie na makapunta sa templo.” At ang nasabi ko naman ay, “Siguro, pero magisip pa tayo ng ibang paraan.” At lumipas ang ilang oras at pinagbilin ko nalang, “Angelo, iwan mo nalang siya ng mensahe sa kanyang timeline sa Facebook, para kung makapag-online man siya, makikita nya ito, at magbigay ka ng oras na dapat siyang pumunta at oras mo nangpaghihintay.” At ang nasabi ni Angelo ay, “Sige, yun nga ang nasa isip ko.” Dito na natapos ang aming paguusap sa kinagabihan na iyon dahil kami ay gigising pa ng napakaaga. Humiga na ako sa kama ng mga alas-onse imedya at naisip ko na dapat makatulog na ako ng maaga dahil gigising pa talaga ako ng ala singko. Sinusubukan kong magpaantok, pero paulitulit na umiikot ang imahinasyon ko kung ano ang mga pwedeng mangyari sa aming pagpunta, dahil nga na baka hindi kami pagpalain makapunta, at kung makakasama ba si Hannie.

Sinubukan kong mag-meditate habang nakahiga, upang mapabagal ang aking paghinga at tibok ng aking puso, at upang maging kalmado hanggang sa hindi ko mamalayan na tulog na pala ako. May nabasa rin kasi ako na artikulo tungkol sa pag hindi kinibo ng isang tao ang kanyang katawan ng labin-limang minuto, ito ay sadyang makakatulog na lamang. At iyon nga ang nasa isip ko na gagawin. Pinihit ko na rin ang Off-button ng aming telebisyon at pati narin ang ilaw para ito’y maging madilim upang mapabilis ang aking pagtulog. Madilim na ang aking kwarto at ako’y pumanik at bumalik na sa aking kama dahil ang kama ko ay double-deck dahil kahati ko ang aking kapatid na babae sa double-deck na ito. Malalim na paghinga ang aking ginawa, hanggang sa bumagal ang aking paghinga, tibok ng aking puso, pulso, at sadyang mabagal na tibok ng puso ko ang isa sa aking naririnig dahil napakatahimik na ng aming kwarto, tila exhaust-fan nalang ang aking naririnig at aming electricfan na nagbibigay tunog sa aming kwarto.

*****

Napamulat ako, ‘di ko na malayan na nakatulog na pala ako at mukhang nauna pa akong magising kesa sa pagtunog ng aking alarm clock. Ang oras ay ala-singko ng umaga, tila madilim pa ang kalangitan ng makita ko sa aming bintana. Bumaba ako ng aking kama, bitbit ang aking cellphone at iPad dahil itong dalawang ito ang nagsilbing tagagising sa aking pang-araw araw. Lumabas na ako ng aming kwarto, at nakita ko na ang aming kasambahay na naghahanda na sa aming almusal. Nakita ko na may mga pancake at hotdog na nakahanda, nagtaka ako dahil hindi naman ito kasali sa aming kadalasang almusal, may bisita pala ang kapatid naming si Ryota na natulog sa aming bahay. Lumabas na rin ng kwarto ang aming ina at tumulong sa paghanda ng almusal ng mga bata at ng aming ama. Ako naman ay bumalik sa aming kwarto at naghanda na ng aking damit na susuotin sa biyahe. Napatulala pa ako, naisip ko na ano kaya ang dapat kong suotin na nababagay sa aming pupuntahan. May pula nga akong V-neck subalit malamig naman doon sa Tagaytay, ayoko na ginawin dahil hindi ko natitiis ang ginaw. Naisip ko na hahanapin ko nalang ang aking

puting longsleeve at sasabayan ko nalang ito ng jacket. Tinawag ko ang aming kasambahay at tinanong ko kung pwede ba akong humingi ng kaunting tulong, at ang kasambahay nalang namin ang nagplantsa ng aking susuotin, isinali ko na rin ang aking pulang damit at baka ay kailanganin ko ito sa biyahe kung mabasa man ako ng ulan. At ako’y kinuha ang aking tuwalya at pumasok na sa aming banyo at naligo na. Buti nalang ay malakas ang takbo ng tubig at nakaligo ako ng maligamgam na temperatura ng tubig, natuwa ako dito kahit ganitong simpleng bagay lang, dahil kadalasan ang bagal ng tubig at sobrang init na lumalabas o sobrang lamig, hindi ko rin minsan maintindihan ang takbo ng heater ng shower namin. Habang ako’y naliligo ay naisip ko na ang mga dapat namin daanan, at kung saan kami sasakay na istasyon ng FX. At naalala ko pala na nabanggit ko kay Angelo na pagkatapos nya hintayin si Hannie sa kanilang napiling lugar na kung saan sila magkikita ay dumiretso na sa aming bahay at hihintayin ko sila. Natapos na akong maligo at nagsuot na ako ng aking damit. Nang-makapaghanda na ako ay lumabas ako ng aming kwarto at nakita sa gawing kaliwa na nakapatang ang isang kilong bigas, ito na yata yung nasabi naibilin kong maiaalay sa templo kasama narin ang ampao dito. Ako’y nanalamin at nagayos ng aking buhok at nang matapos ako biglang lumabas ang aming bunsong kapatid pati narin ang kanyang mga bisita. Ako naman ay dumiretso na sa aming lamesa at kumuha na ng pancake at hotdog na aking almusal, alam ko na magiging maingay sila kaya kumuha lang ako at lumipat sa kabilang lamesa namin. Hinihintay ko sila Angelo at ako’y nag-online muna ng saglit at nag-browse sa aking Facebook account. Wala namang bago, at nagtataka lang ako kung ano ba ang meron sa Facebook at sadyang kinahihiligan ito ng mga tao at pati na mismo ako. Naisip ko na ano ba ang mangyayari pagnakatulala lang sa harap ng monitor at panay pindot lang ng refresh button, na may inaasahan makakita ng notification subalit hindi naman tungkol sa iyo. Ano kaya ang meron sa Facebook? Maliban sa nakakatulong ito mag-pasa at makatanggap ng mga importanteng dokumento, naisip ko rin na madaling mahanap ang taong gusto mo hanapin at napapalawak nito ang iyong network. Maliban doon, hanggang doon nalang yun, kaya nagtataka ako na umiikot ang oras namin sa kakatitig at kaka-refresh. Habang ako’y nagiisip biglang tumunog ang aming doorbell, sila Angelo at Hannie na yata ito. At ako’y tumayo na at inayos na ang aking gamit. Nilagay ko na ang isang kilong bigas sa aking Jansport bag na pinagkakatiwalaan ko simula nung unang taon ko palang sa kolehiyo.

Pumasok na sila ng bahay, at nakita kong kasama si Hannie, mukhang pinagpala nga si Hannie na makapunta rin, subalit hindi ako sigurado kung makakaabot ba kami doon dahil magaalas-siyete imedya na ng umaga. Mukhang natagalan sila, siguro dahil naghintay si Angelo kay Hannie at buti nalang nabasa rin ni Hannie ang iniwang mensahe.

*****

Nakita ng aking ina si Angelo at Hannie at nagmano naman si Angelo sa aking ina, at pinakilala ko si Hannie sa aking ina. Sadyang mahina ang aking memorya at nalimutan ko na napakilala ko na pala siya dati. Ngayon ay lumabas na kami ng aming bahay at pinaghanda namin ang aming sarili sa isang mahabang paglalakbay patungo sa Templo ng Miao De Chan. Kami ay nagusap-usap at sinabi ko na alam ko na ang papunta doon, sa aking pagkakatanda, subalit hindi pa kami sigurado kung epektibo nga na yun ang sunurin naming daan. Nang makalabas kami ng aming village ay naghintay kami ng tricycle. Nang-may huminto na trike, sinabi namin na papuntang Toyota dahil dun ang pinakamabilis na daan palabas ng BF Homes at papuntang Alabang. Nang makapunta kaming Toyota ay naghintay naman kami ng jeepney at kami ay tumawid at sumakay na dito, sadyang matagal kami bago nakatawid pero hinintay parin talaga kami ng jeepney driver, nagtaka ako pero naisip ko ang bait naman. Nang kami ay nakasakay at papunta na ng Festival Mall, Alabang kami ay may nadaanang tatlong magagagarang kotse, isang dilaw na Porsche, isang berdeng Lambhorgini, at isang pulang Ferrari. Kami ay natuwa ni Angelo sa aming nakita, at pumasok sa isip ko na gusto ko rin makamit ang kotseng gusto ko na Toyota 86. Kami ay bumaba na sa may bandang South Station at nilakad namin mula sa aming nababaan hanggang Festival. Subalit ako ay may pagdududa na kung saan kami dadaan dahil sa aking pagkakatanda, ay wala pang mga kotse, van, o shuttle na naghahatid ng ganun maagang oras. Alas-siyete na kasi nun. Nang makarating kami sa Festival, nagtanong kami sa guwardiya at nasabi na wala pa ngang kotse ng ganoon oras. Tama nga ang aking kutob at kami’y bumalik sa aming binabaan at naisip ko na sumakay nalang kami sa may bandang Metropolis Starmall.

Habang naglalakad kami, pumasok sa isip ko na mukhang hindi kami doon papadaanin ng tadhana, buti nalang walang pahiwatig sa mga ulap na uulan kaya naging maayos na ang aking loob at nawala ang aking pagalala. May nabanggit si Hannie na may jeepney na papuntang Balibago dahil doon ang unang checkpoint namin upang makapuntang Tagaytay. Naghanap kami ng matatanungan at buti nalang meron ngang sasakyan na papuntang Balibago kaya natuwa naman ako dito. Sumakay na kami ng jeep at hinintay namin mapuno ito, ang haba kasi ng jeep na ito kesa sa nakasanayan naming sakyan. Siguro dahil pangmalayuan ito na biyahe kaya naisip na pahabain para sulit ang gas na gagamitin sa biyahe. Napansin namin na mainit sa loob ng jeep, naka-suot pa naman kami ng jacket, at nainitan kami kaya hinubad muna namin ito. Dahil kulong ang loob, maraming tao, at nakasarado ang bintana, sinubukan ni Angelo na buksan ito subalit napagsabihan siya ng driver ng jeepney na paano daw kung umulan, mahirap daw ito isara. Nagbayad na kami na kami ng aming pamasahe at akala ni Hannie ay aabot ito ng mga 40PHP subalit ito’y 28PHP lang pala. Nagpustahan pa naman kami ni Hannie tungkol sa presyo, panalo sana ako, dahil naisip ko na mas mababa ito sa 40PHP. Umandar na ang jeep na aming sinakyan at matagal nga talaga ang biyahe galing Alabang papuntang Balibago. Nagkwentuhan kami ni Angelo ng kung anu-anong bagay na tungkol sa personality ng isang tao dahil hilig namin usisain ang mga pagiisip, mga kilos, simpleng galaw, at mga tingin ng mga tao, at doon namin iisipin kung ano ang personalidad ng isang tao. Ang init sa loob ng sasakyan, ang tinitingnan ko ang iba’t ibang mukha ng mga pasahero na aming kasama sa loob. Ang iba’y nakapikit at parang inaantok ang iba naman ay nakatulala na parang ang lalim ng iniisip, ang iba ay nakaka-tinginan ko at bigla kong iniiba ang direksyon ng aking mga mata. Napagisip ko na ano kaya ang mga adhika nila sa buhay, nabubuhay nalang ba tayo para sa pera. Kaya ba tayo gumagalaw dahil para sa pera at dahil para ipambili ng pagkain itong perang ito. Ganun ba ang pangkabuuang galaw ng bawat isa na kasama namin sa sasakyan? Lahat sila ay may sariling pakay, pero hindi ko maisip kung ano kaya ang buhay na kanilang ginagalawan. May impluwensya ba ito ng karma, sa kung ano ang estado nila ngayon sa buhay. Samu’t saring disenyo at anyo ng pananamit, simula sa mga pang-trabaho, pangmalayuang biyahe, pati narin ang kaswal na pananamit. Naaral ko kasi dati na ang pananamit ng isang tao ay isang refleksyon kung ano ang kanyang pagiisip at kung sino talaga siya.

Nang kami ay makarating na ng Balibago, kakaiba ang lugar na ito, iba sa nakagawian ko, pero sa tingin ko lahat naman ay iba dahil ito ay bago sa aking paningin. Naghanap kami ng masasakyan at nagtanong tanong si Angelo kung saan kami pwede makasakay papuntang Tagaytay. Buti nalang natatandaan pa ni Angelo na nadaanan na raw nila itong lugar na ito, kaya may tiwala ako na makakapunta kami sa aming destinasyon ng hindi gaanong naliligaw. Nakarating kami sa istasyon ng jeep na kung saan kami makakasakay. Hindi mo ito gaanong mapapansin dahil nasa likod ito ng palengke, kung ikaw ay sadyang baguhan, at hindi malakas ang loob mo magtanong, talagang hindi mo mahahanap ang istasyon na ito. Kataka-taka na dito nakapwesto ang sakayan ng jeep. Maputik ang lugar at basa pa ang ibang daanan dahil siguro umulan dito bago kami makarating. Madami ang taong may dalang malalaking bag na maiisip mo ay malayo ang kanilang pupuntahan. Hindi na namin naabutan ang jeep at ito’y paalis na ng kami’y makarating at dahil dito ay kailangan namin maghintay ulit. May grupo ng mga kalalakihan na kumuha ng aking pansin, sila ay matatangkad at masasabi mo na hindi sila taga-dito, masasabi mo na sila ay mga foreigner, mukha silang Arabo o Indyan, dahil sa kanilang kulay at porma ng kanilang mga mukha. Ang isa pa ay may suot na sumbrero na gawa siguro ng isang taga-bundok katulad ng Aeta, Negrito, o Mangyan. Dito tumagal ang oras namin dahil itong grupo na ito ay ayaw pasakayin ng driver sila daw ay malalaki at hindi sasaad sa nararapat na bilang ng pasahero ang pwedeng makasakay. At isa pa, ay may amoy daw itong mga ito, amoy sibuyas na hindi maintindihan, at ayaw ng ibang pasahero na makisakay kasama ang grupong ito. Balak sana namin sumakay, pero nagdalawang isip ako, hindi dahil sa kanilang amoy, marahil siguro na may kasama kaming babae at naisip ko na baka makuha ni Hannie ang pansin ng mga lalaking ito at kung anu pa ang mangyari. Pero ayun nga, naghanap kami ng jeep na bago, at may papunta sa gawing amin, at dito nalang namin pumiling sumakay. Sumakay na kami dito, at tila napagusapan ang mga mukhang Arabong mga tao, na ayaw nga ng iba makasabay ito dahil mabaho daw sila at sobrang laki na masisikipan sila pagsumakay sila ng kasama itong mga kalalakihan na ito. Naghintay pa kami ng ilan minuto bago pa ito umalis, dahil kailangan pa punuin ng jeep ang kanyang mga pasahero bago ito umandar, ito na marahil ang dahilan kung bakit kami natagalan sa aming pagpunta sa aming destinasyon.

Nang umandar na ang jeepney na aming sinasakyan, nakita ko ang mga nadaanan namin na may mga nakasulat na sa pader na parang nagrereklamo sa lokal na pamahalaan o sa mayor. Siguro hindi maganda ang pamamalakad ng mayor dun sa may Balibago, pero hindi ko talaga ang tunay na istorya noon, ako lamang ay nagbibigay paliwanag sa aking nakikita. Nang tumagal, napadaan kami sa magagandang arkitekto na tila Modern ang mga itsura nito. Hindi ko alam ang nasabing lugar, subalit nadadaanan ito pag-papuntang Tagaytay. Kaya napagusapan namin ni Angelo ang mga kanya kanyang bahay na aming gustong idisenyo, maliban sa arkitekto, napabalik ulit kami sa diskusyon namin kanina tungkol sa personalidad. May nabanggit din si Hannie na madadaanan namin ang dating eskwelahan ng aming propesor sa Psychological Testing, at nung madaanan namin mukhang maganda nga ang unibersidad na kanyang pinagaralan. Habang naguusap-usap kaming tatlo, bigla nagbago ang temperatura ng lugar na nadadaanan namin, lumamig na nga at nasabi namin na nasa Tagaytay na kami. Ang ginaw na yumayakap sa aming mga bisig ay nakakapang-gising at pati na ang mga lugar na aming nadaanan, tila ang ganda ng mga kabundukan at pati narin ang natutulog na bulkan. Napuntahan na namin ang huling destinasyon ng jeepney na aming sinakyan at huminto ito malapit sa 7/11 at dito ay nagawa namin pumunta at bumili rin muna kami ng makakain at maiinom. Naisip ko na kung dito siguro bumababa ang mga nasakyan namin galing Balibago, siguro marami ang kita nitong branch na ito dahil tiyak karamihan sa mga bumababa ay uhaw o gutom, saktong sasalubong sa kanila ang isang 7/11 convenience store. Naisip ko na ang lugar na kung saan mo itatayo ang nais mong establisyemento ay dapat maraming mahahagip na tao, kundi malulugi ito. Hindi parin nawala sa isip ko na sa mga nalakbay namin, ay hindi kami inabutan ng ulan o hindi bumuhos ng napalakas na ulan. Siguro nga ay pinagpala kami na makarating sa aming destinasyon. Bumili lamang ako ng isang tisyu at inumin, at si Angelo naman ay bumili ng donut at kape para makain habang nasa biyahe. Nang lumabas kami ng 7/11 ay may sumalubong samin na lalaki, inalok kami ng transportasyon patungo sa Miao De Chan. Sinabi namin na sa Metrogate State, Tagaytay – Temple Drive ang lugar kung saan namin mahahanap ang templo. Sinabi na ng driver na alam nya yun, at ang singil ay 50PHP isang tao. Nagusap-usap muna kaming tatlo, tungkol sa bayad, sabi ko na hindi na masama ang ganun presyo dahil kung sa

amin, 40PHP ang bayad galing sa bahay papuntang San Beda kaya, ayos na rin ito dahil tiyak na mas malayo pa ito. Nang bumiyahe na kami patungo sa templo ng Miao De Chan sakay ng tricycle, ay nakapagkwentuhan kaming tatlo. Buti na nga lang ay sumakay sa baby-sit si Angelo upang kami ay maging kumpleto sa buong biyahe kesa sa mag-isa lang naman siya dun sa likod ng tricycle. Nararamdaman na namin ang lamig na pumapasok sa loob ng aming sinasakyan; papunta palang ang dami na naming nakitang magaganda, mga tanawin na hindi mo makikita sa BF Homes, kaya nga kung may kotse lang ako ay madalas siguro ako nag-gagagala sa Tagaytay lalo na yung malapit sa may tanawin ng bulkan. Nakakakita rin ako ng mga posteng pananda na nagtuturo sa Puzzle Mansion na kinilala ng Guinness World Records na pinakamaraing puzzle na mahahanap mo. Paulit-ulit kong nakita ito nung papunta kami ng templo, may pahiwatig kaya ang ganito o wala, pero plano ko rin talagang makapunta sa Puzzle Mansion na iyon. Habang bumabiyahe kami, at nang naguusap si Hannie at Angelo, ako naman ay may ibang naiisip. Naalala ko dati yung mga pinuntahan namin ng mga kaklase ko nung highschool palang ako. Naisip ko na paano kaya kung hindi nasira yung kotse ng kaibigan kong si Kevin, tiyak lagi kami gumagali sa Tagaytay. Naalala ko rin yung nakipag-kita kami sa kaibigan kong si Ian, nang walang paalam dahil may tirahan sila sa Tagaytay, at bigla nalang kami nakipag-kita sa kanya. Pati rin yung napakataas na lugar na hindi ko matandaan ang tawag, na hindi kami nakapasok dahil masama ang panahon nung mga oras na yun. Dami ko rin palang mga naalala sa Tagaytay. Bigla akong kinausap ni Hannie, tawagan ko raw si Irene kung saan papunta dahil mukhang ang driver ng aming sinasakyan ay naligaw. Hindi nya pala alam na dalawa ang Metrogate, yun ang sinabi nya sa amin. Kaya tinawagan namin si Irene, subalit hindi ito sumasagot. Sinubukan kong tawagan si Arlyss, pero walang sumasagot. Napagtanto namin na siguro nagsisimula na sila dahil mga alas-diyes narin ang oras noon. Naisip namin na baka wala na kaming maabutan. Naisip ko naman na baka sadyang kailangan talaga namin mahuli dahil yun ang itinakda ng karma namin. Bakit kaya? Pero may tiwala parin ako na makakapunta kami sa templo kahit na nahuli na kami ng isang oras. May naalala ako na kailangan namin madaanan

ang Petron bilang isang checkpoint papunta sa aming pupuntahan. At dumaan kami patungo sa isang diretso lamang, dahil yun ang nabasa namin sa mapa na aking nai-download sa aking iPad. Hindi na sigurado ang driver ng aming sinasakyan at ako naman ay may napansin sa aming nadaanan, may nakita akong posteng pananda na Metrogate, at kinutuban ako na parang may halaga ito, pero nga binaliwala ko lang baka wala lang naman yung kutob ko. Padiretso lang ang aming tungo, pero tila wala kaming templo na mahanap. At ayun nga ay bumalik kami sa aming nadaanan na posteng pananda, at nagtanong-tanong ang driver. Nasa loob pala ng isang village ang aming hinahanap na templo. At ayun nga ay nalaman na namin ang tamang daan, at papasok na sana kami dun, at tinanong kung saan banda yung templo ng Miao De Chan. Sabi ng guwardiya, tatlong kanto tapos kaliwa, dalawang kanto tapos kanan, at isang kanto tapos kaliwa. Tatlo, dalawa, isa at kaliwa, kanan, kaliwa. Tila madali matandaan at nang makapasok na ang aming sinasakyan na tricycle, nakita namin sa ‘di kalayuan ang isang kakaibang bubong, at ito na marahil ang aming nais na mapuntahan, ang templo ng Miao De Chan.

*****

Nang makarating kami sa harap ng templo, nakita namin na bukas ang tarangkahan nito. Akala ko ay napalaki ng tarangkahan at hindi makikita ang loob, pero iba ito sa aking inasahan. Ang tarangkahan na ito ay tila may kakaibang simbolo na nakaukit dito. Nakita namin na may ibang tao sa labas ng templo, naisip ko na baka magulang ito ng isa sa mga kaklase namin, at nagkaroon pa ng paguusap tungkol sa aming binayad. Namahalan sila ng malaman na ang binayad namin ay 200PHP, ang totoo naman babayaran namin ay 150PHP subalit dahil nga maligaw-ligaw kami at aksaya rin yun sa gas ng driver, naisip namin na isa ang pagmamaneho ng tricycle sa kanyang pangunahing paraan upang buhayin ang kanyang pamilya. Kaya nagbigay narin kami ng 200PHP. Pero hindi na namin pinalaki ang usapang ito, ang importante ay nakarating kami sa templo ng Miao De Chan. Ibig sabihin siguro nito na pinagpala kami na makarating ng walang hadlang, nahuli nga kami, pero parang nagsaya rin naman kami sa papunta ng templo. Ang dami rin namin nakitang mga lugar at tanawin na nais ko ulit balikan.

Ang isa sa mga sumalubong ng makarating na kami sa templo ng Miao De Chan maliban sa tarangkahan nito, ay isang rebulto. Rebulto na kulay ginto, at ang laki, may naka-palibot rin na bakod sa likuran nito, tila binibigyan importansya ang nasa loob; may bubong pa ito at dalawang lampara na nakalagay sa giliran, kaliwa at kanan; at pinalilibutan rin ito ng mga halamanan. Sa gawing giliran ay tilay may mga bulaklak na humahambing sa Lotus Flower.

Ako at ang kaibigan kong si Angelo ay nagpakuha ng litrato kasama si Amitabha.

Kung papansinin ang mga maliliit na detalye ng imahe, ay gusto ko lang bigyan linaw yung itsura at posisyon namin. Natuwa ako na ang kuha samin ni Hannie ay maganda at maayos kahit na hindi ito gaanong sentro; yung posisyon ni Amitabha na bukas ang palad nya sa aking uluhan ay parang nangangahulugan ng pagbibigay nya ng biyaya nya sa amin, yun lamang ay galing sa aking pananaw, at tila ako ay nagagalak dahil dito; hindi namin sinadya o inasahan na magiging ganito ang kalalabasan ng imahe, kaya nakakatuwa nang malaman na ganito pala. Dahil kami ay nahuli na, medyo nagmamadali na rin kami papunta sa loob ng templo, at nakita namin ang Propesor namin na si Sir Christian at tinawag kami. Ang isa sa mga tiyak na mapapansin doon sa templo ay ang arkitektura ng templo. Ang bubong ay tila yung mga makikita mo lang sa mga sinehan at may pakiramdam na ito’y parang ibang bansa, kaya kung ako siguro ay nakatulog dito at gumising, magugulat ako kung ako’y nasa Pilipinas parin ba o nasa ibang bansa na. Mapapansin na puro mapupula o madilaw ang mga kulay ng templo, sinisimbolo siguro nito ang enerhiya katulad ng apoy na nagbibigay init at buhay.

Ang bubong ng templo ay hindi pangkaraniwan, at ito’y kapansin-pansin dahil sa bawat dulo ng bubong ay mukhang pataas ang bawat sulok nito. Hindi ko gaano nakita ng mabuti kung ano ang mga nakalagay sa bawat sulok, lalo na sa pinakasentrong istraktura ng arkitekto ng templo. Ang materyal na gamit ay tila yung karaniwang ginagamit ng mga templo sa Tsina na nagmumukhang pagoda ang mga ito, dahil sa magkatapal na hilera ng bawat bloke ng bubong na ginamit. Sa gawing gitna ay nakalagay ang tinatawag na Darma Wheel na sumisimbolo sa Eight Fold Path, at isa ito sa mga importanteng simbolo na sumasalamin sa Pilosopiya ng Buddhism, hindi ito naipakita sa imahe, pero nakapwesto ang Darma Wheel sa sentrong na bubong ng templo ng Miao De Chan. Kapansin-pansin rin ang mga sulatin na tila sa China ang pinagmulan, na nakaukit sa ginto ang mga ito. Ito siguro ay nangangahulugan ng isang dasal at kung isa ka sa nakatira doon, tatatak talaga sa iyong isipan ang mga dasal dahil sa mga nakaukit na iyon, dahil kung ako ang lumagi doon sa templong iyon, tiyak maaalala ko rin sa napakaikling panahon ang mga dasal, pero hindi rin ako sigurado baka bumaluktot lang ang aking dila. Pataas ang lupain ng templo, kung iyong makikita sa imahe, puro pataas lang ang punta, nagmumukhang burol sa isang bundok ang itsura ng templo, siguro ito’y binibigyan pansin kung saan itatayo ang isang templo dahil ito ay may nakasaad na enerhiya pati narin ang puwesto ng kung saan dapat ito nakaharap. Nang kami papasok na sa loob ng templo, napansin ko na marami ang mga sapatos na nakaiwan sa labas. Sinusunod siguro nito ang kulturang pag-iiwan ng sapatos sa labas bilang isang pagpapakita ng respeto tulad ng mga ginagawa ng mga Hapon na nakikita ko sa palabas sa telebisyon. Inasahan ko na ang mga kagamitan doon sa templo ay mga lumang bagay, lumang aparador, lumang pinto, lumang sahig, pero iba ang humarap sa akin. Malinis at malawak ang loob ng templo, puti at makinis na sahig, masasabi na may pagka-Minimalist ang disenyo ng ayos ng loob ng templo. Subalit, ang pinakasentrong pinagmumulan ng disenyo ay ang pinaka gitnang parte kung saan makikita ang mga istatwa nila Shakyamuni Buddha, Amitabha Buddha, at Medicine Buddha. Naalala ko nga na nabanggit sa amin na ang paniniwala ay siyang humulma sa arkitektura na kung ano ang meron ang templo nila ngayon.

Ito ang itsura ng loob ng templo na sumalubong sa aming tatlo, tila kami ay huli na ng makarating kaya hindi masyado namin napansin ang ibang palamuti ng loob ng templo, pero sobrang nakakabihag talaga ang ganda ng disenyo ng altar na ito.

Ako at ang mga kasamahan ko ay nagmadali upang makasama sa mga kaklase naming nakapwesto malapit sa altar, harap ng bawat pulang parang upuan ang itsura. Nahuli kami kaya hindi na namin nagawa ang ibang seremonya katulad ng pagsisindi ng insenso. Buti nakahanap kami ng mga ibang bakante para maipuwesto ang sarili namin. Sa gawing kaliwa kami pumwesto ni Angelo at nakinig kami tungkol sa Pure Land Buddhism at ang mga detalye tungkol dito. Ang aming speaker ay si Ms. Suy Leny Go pero kilala bilang Ms. Sweet. Inihayag nya sa amin ang mga pagtuturo ng Buddhism at mga ibang termino na ginagamit sa Pure Land Buddhism. Parang introduksyon ito sa Buddhism at mukhang bukas naman ang palad kung nais namin gawing parte ng buhay namin ang Buddhism.

Si Ms. Sweet na nagbigay ng mga impormasyon tungkol sa Buddhism. Isa sa mga napansin ko ay ang pagiging kalma at malumanay nyang pagsasalita. Nung una kong naipresenta ang Buddhism sa klase, ang Noble Eightfold Path ay hindi gaanong tumatak sa isip ko, subalit nung nakinig ako kay Ms. Sweet, naalala ko ng mas malinaw at talagang tumatak ito sa isip ko hanggang ngayon at ayaw ko na ito pakawalan. Ang Noble Eightfold Path ay sinusunod ang Right Understanding, Right Thoughts, Right Speech, Right Action, Right Livelihood, Right Effort, Right Mindfulness, at Right Concentration. Pati narin ang 3 Gems of Buddhism, na ang Buddha, Sutra, at Sangga na ito daw ay ang mga bihira lang makita sa mundo natin ngayon, mahirap na makahanp ng Buddha, kaya ang mayroon nalang tayo ay ang mga Sutra na makukuha ang mga sulatin at ang Sangga na isang congregation, at naiisip ko na maging parte nito. Nasabi rin ang tatlong Budda na sila Shakyamuni Buddha na may hawak na perlas, si Medicine Budda na may hawak na Pagoda, at si Amitabha Buddha na may hawak na Lotus. Nasabi rin ang mga alay na may simbolismo sa Buddhism katulad ng bulaklak, ng insenso, ng tubig, at ng mga prutas.

May napansin ako na dapat iniikot ang pulang upuan bago ito gamitin, nagtaka ako, pero dahil hindi rin naman kasi patag ang upuan na ito at ito ay parang nakatagilid ang anggulo, dapat siguro inuupuan ayon sa tamang harap, pero yun lang naman ang aking napansin. Nang pumatak ang alas-onse, nagkaroon na ng seremonya, mag-aalay na pala ng pagkain sa mga espirito ang master. Nagtataka ako kung ano ang itsura ng master na itong binabanggit. Nang makita ko, siya pala ay isang mongha na tila sadyang ginupit ang kanyang buhok at magmukhang yung parang nakikita natin sa mga palabas na mga monks. Nagkaroon na ng paghahanda ng mga pagkain at inaalay at nilalagay ito sa gitna ng sa altar. Dito narin kami nakapagbigay ng aming mga alay, ang dinala ko para ibigay ay isang kilong bigas, at hiniling ko na sana makatulong ito sa kanila kahit na kaunti lang ang aking naidala.

Nagkaroon na ng seremonya at pagdadasal, at pinangunahan ito ni master. May mga hawak siyang mga bagay na kanyang inihahampas sa isang lalagyan, na umugong nang napakatagal at napakalakas, sapat na para umikot sa buong kwarto na ang kinatatayuan. Nakakapagtaka at gusto ko malaman kung paano iyon, tiyak ito ay mahalaga.

Ang imahe sa itaas ang kagamitang pinalo ni master na lumikha ng umuugong na tunog na kumuha sa aming atensyon. Maihahalintulad ang ugong na ito kung parang bumigkas ka ng tunog na Ohm. Ang mga pagkain na inialay sa altar ay tiyak na puro gulay. Sinusunod kasi ng mga Buddhist ang vegetarian diet dahil ito ay naniniwala na huwag dapat natin kunin ang buhay ng mga hayop, at sadyang totoong mas maganda naman talaga ang mga bitamina na makukuha natin sa gulay. Nang-nailapag na ang mga pagkain, ay doon na nagsimula dasalan ni master at kami ay sumali rin sa pagbigkas ng mga dasal na umaayon sa seremonya. Sa kabuuan ng seremonya na iyon, tila naliligaw ako at hindi ako makasabay sa pagbibigkas na mga salita na ang pinagmulan siguro ay ang Chinese na linggwahe. Nagkaroon nga ako nagpagkakamali sa gitna ng dasal, akala hindi pwede buhatin ang libro habang nagdadasal, yun pala dapat ay hawak namin at bawal ito ilapag sa sahig. Hindi ako mapakali sa aking nagawang pagkakamali at kahit ngayon ay naaalala ko parin iyon.

Sa gitna ng seremonya, si master kasi ang nagpapatunog ng umuugong na tunog, at siya ang sinusundan namin sa mga dapat namin gawin. Si master ay bumaba ng altar at nagpalakad ng padiretso patungo sa labas. Parang may sinusunod siyang mga yapak na dapat nya tapakan at daanan, na tila mapapansin mo ay parang nagmamartsa siya katulad ng makikita mo sa COCC of CADT o sa mga sundalo na may sinusunod na tamang lakad. Lumabas si master at hindi namin alam kung ano ang ginawa nya sa labas, pero ang alam ko lang ay nagaalay siya sa mga espirito ng pagkain, at bilang respeto sa mga enerhiya na bumabalot sa buong templo.

Ang isa pa sa nais ko idagdag, ay ang mga simbolismo ng mga bagay na aking nakita na nasa altar. Ayon kay Ms. Sweet, ang bulaklak ay tinuturan daw tayo na lahat ng bagay ay nawawala rin sa mundong ito. Walang permanente kaya hindi dapat natin hinahayaan ang sarili natin na maging makasarili dahil sa mga materyal na bagay. Ang mga kagamitan at luho na ating lubos na gusto ay hindi natin madadala sa kung saan man tayo mapunta kung tayo ay mamamatay rin, kaya pagtibayin natin ang ating buhay at kabataan at alagaan ito ng mabuti.

Ang sunod ay ang insenso, ang sinisimbolo nito ay parang paglaganap ng amoy nito, ang amoy ay sumisimbolo sa ating kaisipan at kalooban, na ito ay lumalaganap at lumalabas ito sa ating aksyon. Kaya nga ayon sa Noble Eightfold Path, kung may Right Thoughts daw tayo, susunod dito ang Right Speech at Right Action, at ang mga ito ay konektado. Ang isa pa sa mga naituro ni Ms. Sweet sa amin ay ang tubig, ang tubig daw ay sumisimbolo sa ating pagiisip, dapat daw ito ay likas at puro, hindi dapat hinahayaan na maging marumi ang ating kaisipan. Umaayon nanaman ito sa Noble Eightfold Path kung ating bibigyan pansin mabuti. Ang prutas rin ay may sinisimbolo, ito ang Law of Karma na kung ano ang buto yun rin ang sanga. Ang mga nagawa natin sa buhay ay nagsisilbing buto na ating itinatanim sa mundong ating ginagalawan. Balang araw, ang buto na ito ay magiging puno, mamumulaklak, at sa kalaunan ay maglalabas ng prutas. Kung anong klaseng buto ang ating itinanim, ang prutas nito ay siyang rin ating makukuha. Ito ang Law of Karma. Kaya dapat pagbutihin natin maging mabuti sa ating sarili at sa ating kapwa; dahil kahit ang ating kaisipan mismo ay nagtatanim na ng kung ano man ang ating iniisip. Napaka-praktikal nga talaga ng Buddhism dahil kahit sa mga simpleng bagay na ito na ating nakikita, ay may kaalaman na nais maituro sa atin. Sino ba ang magiisip na ang bulaklak ay hindi lang puro ganda kundi bilang pahiwatig ng ating buhay, tayo rin ay nawawala sa mundong ito kaya dapat ang ating gawin ay magkaroon ng tamang pagiintindi at kaisipan na sinasabi sa Noble Eightfold Path katulad ng halimbawa ng insenso at ng tubig. Dapat puro ang ating kaisipan kaya kailangan natin mag-meditate, ako mismo ay marunong naman noon pero ibang klase nga lang, ang meditation ko ay tinatawag na Mindfulness Meditation, pero hindi ko na alam ang iba. Kahit ano man yan, matuto parin sana ang mga tao gawin ito, dahil kakulangan sa paglilinas ng ating kaisipan ang nagtutulak sa atin maging sakitin, laging galit, at hindi alam kung ano ang aatupagin sa buhay; at kung ganyan ang nangyayari sa atin, tiyak na makakagawa tayo ng mga bagay na hindi makakabuti sa ating sarili at sa iba. Magsisilbi itong mga gawain natin bilang isang relasyon na kung ano ang ginawa natin ay tayo rin makakakuha ng prutas nito. Sadyang konektado at may saysay ang nakaakibat sa mga pagtuturo na ito.

Nalaman ko rin na may tagabantay pala ang Buddhism, ito ay sila Wei Tuo Boddhisattva at Qie Lan Boddhisattva. Si Wei Tuo Boddhisattva, ang nasa gawing kanan ay isang priest at heavenly king daw at si Qie Lan Boddhisattva, ang nasa gawing kaliwa ay isang tao na nabiyayaan maging isang tagabantay dahil humingi ito ng tulong at basbas sa isang Buddhist Monk, at siya ay tuluyan naging tagabantay ng mga pagtuturo ni Shakyamuni Buddha. Naiisip ko tuloy sa imahe na parang may pagkakatulad kami ni Angelo kila Qie Lan at Wei Tuo, na nakapwesto kami sa kung saan gawi kami nakatayo. Hindi ko lubos mapigilan isipan na baka nga si Angelo si Qie Lan at ako si Wei Tuo, siguro nga dahil hindi ko alam kung paano kami naging mag parang magkapatid na ang turingan sa isa’t isa at ngayon ay nahaharap kami sa kagustuhan naming maging parte ng aming buhay ang Buddhism. Gumagana ang aking imahinasyon ng naiku-kuwento ito ni Ms. Sweet sa amin habang kami ay seryosong nakikinig sa kanya.

Pagkatapos namin makisali sa seremonya at magtingin-tingin ng mga palamuti na nakalagay sa loob ng templo, kami naman ay nagbigay na ng aming mga sobre at nilagay ito sa isang malaking kahon. Naalala ko na binanggit ng aking propesor na kung ano ang binigay namin, yun din ang tila katumbas na babalik sa amin. Naisip ko naman na dapat kung magbibigay, taos puso rin dapat hindi yung sumusunod ka lang sa utos o pakitang tao. Para sa akin, dapat alam natin sa ating sarili na nagbibigay tayo dahil galing ito sa puso at isip natin na hinihiling natin ang kabutihan ay mapalawak at mapalaganap pa sa ating buhay at sa buhay ng mga mahal natin. Nabanggit na kailangan rin namin humiling, at syempre ang hiling dapat ay may kaakibat na gawa dahil wala tayong maabot kung puro hiling nalang tayo at walang gawa. Napaka-simple ng aming nagawa pero sana naman ito’y nakatulong, dahil para sa akin, malaki ang naidagdag ng Cultural Philosophical Exposure trip namin. Ang espiritwal na aspeto ng buhay natin ay hindi dapat natin pabayaan, kundi dapat natin ito pangalagaan. Ang maganda sa Buddhism ay payakap ito sa ating pinaniniwalaan, hindi ito nagdidikta o tumutulak at pinapalitan, kundi kaya nito maging isang ganap na kaakibat ng ating pinaniniwalaan, kaya nga ang naisip ko ay pwede siguro maging isang Buddhist Christian dahil syempre isinilang at bininyagan ako ng ganun, baka pwede rin siguro na dalawa. Hindi naman siguro katulad ni Pi sa Life of Pi na palabas, pero mas lumalawak ang aking pananaw sa buhay kung mahahaluan ko ito ng Buddhism. Pagkatapos ng aming pakikisalamuha sa mga enerhiya at hiwaga ng templo, kami naman ay naghanda na umalis. Naiklian o nabilisan ako sa aming pagpunta dahil nga pala nahuli kami sa pagdating. Gusto ko pa tumingin-tingin ng pwedeng kumuha ng aking atensyon, subalit nagsisialisan na ang lahat. Kami ay nagpakuha na ng litrato na kami ay sama-sama bilang isang klase kasama ang aming propesor at si Ms. Sweet na labis marami akong natutunan tungkol sa Buddhism; hindi ko ba mapagtanto kung bakit mas madaling umukit ang kanyang mga sinabi at tinuro kesa sa aming nai-report sa klase. Kaya taos pusong pasasalamat ang masasabi ko, at dahil nakapunta kami ng walang napahamak sa amin.

Nang-nagsisialisan na ang lahat, hindi kami mapakali ng kaklase kong si Angelo dahil hinihintay rin namin na mabiyayaan kami ng beads na pwede namin maisuot bilang patunay na isinasapuso namin ang Buddhism at ang mga pagtuturo ni Shakyamuni Buddha. Ayun nga, ay nabigyan kami ng bracelet pati narin ang isang maliit na libro na nakakatuwa kung paano mo ito gagamitin. Una ipe-pwesto mo ito sa noo mo at magiisip ka ng isang bagay, tapos tsaka mo pipihitin ang pahina ng librong ito tapos pag naisipan mong tama na ang pagbuklat sa libro, dun mo tingnan ang mensahe.

Pinapakita sa imahe ang nabigay sa amin na beads tila maluwag pa ito, binabalak kong higpitan pero hinayaan ko nalang, baka maputol ang tali nito mas nawalan pa ako ng beads.

Ito ang buong klase namin kasama si Ms. Sweet at ang aming propesor na si Sir Christian. Sayang yung iba dahil hindi sila nakasama, kahit ang simpleng pagpunta ay nakakapanibago ng pananaw, na hindi mo aakalain na meron palang ganito sa gitna ng siyudad na magulo at laging hinahabol ang oras. Siguro nga ay hindi nakasaad sa kanilang karma na makapunta sa templo ng Miao De Chan. Pero lubos akong nagalak, dahil sa rami raw ng mga naging estudyante ng aming propesor ay kami palang ang mga estudyante nya na napapunta sa ganitong klaseng lugar at magkaroon ng natatanging karanasan sa aming buhay. Nang matapos ang lahat, kami ay lumabas na ng templo, pero ngayon ay umuulan na; bago kami makapunta buti nalang ay hindi pa bumubuhos ang ulan ng mga oras na iyon, kaya pinagpala talaga kami na makabisita sa templo ng Miao De Chan nang magkaisa at makilala ang mga taong nakasama namin sa dati naming buhay. Siguro nga naging mabait kami nung nakaraang buhay namin kaya ngayon ay ganitong sumasaad ang mundo sa aming mga nais makamit sa buhay.

Hindi pa natatapos ang aming Cultural Philosophical Exposure trip dahil naisipan pa naming gumala kasama ang aming propesor. Naisipan ng propesor namin na yayain kami kumain sa Mushroom Burger at matagal-tagal ko na rin naririnig iyon pagusapang Tagaytay, kaya bakit hindi at sumama na kami. Napansin ko na ang sasakyan ni Sir Christian ay may impluwensya parin ng Buddhism, nahiwagaan ako sa gintong umiikot na bagay. Ang ibig sabihin pala ng pagikot ay mga dasal, katumbas ng isang revolution ang isang ikot, kaya naisip ko nalang kung gaano karami ang dasal na nagagawa nitong Tibetan na bagay na ito. Nang papunta kami sa Mushroom Burger, nakita kong napaka-kapal ng hamog na bumabalot sa aming dinaraanan. Habang nakikita ko ang hamog na ito, naisip ko na gusto sa lugar na ito. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero may naguudyok sakin na lumagi sa Tagaytay lalo nang makita ko ang napaka-kapal na hamog. Nang dumating kami sa Mushroom Burger, naobserba ko na sinusunod pala ni Sir Christian ang vegetarian na diet at napansin ko na pinatanggal nya pa ang itlog at kung anung sibuyas na pwedeng idagdag sa kanyang in-order na pagkain. Ang aking napili naman ay ang Royal Burger, naisip ko pa kung may kasamang karne ito o purong kabote ang pinagmulan ng pagkain na ito. Nakuha na namin ang aming pagkain, at napansin ko na napaka-lambot ng laman ng burger ganito nga siguro pag gawa galing sa kabute. Nang tumagal, nakapag-kwentuhan kaming apat ng tungkol sa Buddhism at kung anu-ano pa. Maliban sa naituro ng aming propesor sa klase, iba rin ang kanyang mga naihahayag sa labas ng aming paaralan. Tila parte ng buhay nya ang kanyang tinuturo, at malamang ay hindi nya lang ito ginagawa sa pera, kundi gusto nya rin mismo sigurong magturo. Ganito siguro ang naging epekto ng kultura at pilosopiya ng Buddhism sa kanya, kita naman sa kanyang kilos at pananalita, malumanay at hindi padalos-dalos, isang halimbawa ang aming propesor mismo ng isang taong isinapuso ang kanyang pinagaaralan at pilosopiya. Siguro nga ang tunay na aral na aming mapupulot ay hindi basta ang mga tanaw, kundi pati narin ang aming mapupulot na pagtatanto sa aming sarili kung ano ba dapat ang maging landas namin sa buhay. Dahil pwede nga naman mabuhay nang parang wala lang, pero iba rin kung ang kultura, pilosopiya, at paniniwala mo ay gumagabay sa iyo; dahil dito ay magagawa mong mabuhay ng mabuti at tila parang insenso, hindi mo alam na naiimpluwensiyahan mo na pala ang ibang tao ng iyong pilosopiya.

GALLERY

“To be Honorable in thoughts, Sincere in words, Good in deeds, Is to have The heart of a Buddha.” —Heart of a Buddha

Namo Amituofo!

Rare is the professor that exceeds his own teaching, for his being is his teaching. Thank you, Sir Christian!

Lihat lebih banyak...

Comentários

Copyright © 2017 DADOSPDF Inc.